P4.6 milyong lumber materials kaloob sa mga sinalanta ng bagyo sa Batanes, Cagayan

MANILA, Philippines — Umaabot sa P4.6 mil­yong halaga ng lumber materials ang ipinagkaloob ng Department of environment and Natural Resources (DENR) para kumpunihin ang mga bahay at eskwelahan na sinira ng sunud-sunod na bagyo sa lalawigan ng Batanes at Cagayan.

Ayon sa DENR, nasa 78,000 board feet ng table o kahoy ang nai-turn over sa Batanes LGU para sa pagkukumpuni ng mga tahanan sa bayan ng Basco, Itbayat, Ivana, Mahatao, Sabtang, at Uyugan na lubhang naapektuhan ng Bagyong Julian.

Mahigit 1,000 piraso ng tabla naman na may kabuuang 14,879.92 board feet ang tinanggap ng Department of Education (DepEd) upang mapadali ang rehabilitasyon ng mga paaralan sa Ikalawang Distrito ng lalawigan ng Cagayan na dumanas ng matinding pinsala ng Bagyong Marce.

Ang mga donasyong wood lumber materials ay galing sa mga nakum­piskang forest products na may orders of finality sa ilalim ng kustodiya ng DENR sa mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Quirino at Nueva Vizcaya at mula sa mga turn-over logs ng mga kum­panya ng pagmimina sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.

Katuwang ng DENR sa paghakot at pagkarga ng mga materyales na kahoy ang Police Mobile Force Company at Police Provincial Offices ng Pampanga, Tarlac, Bataan, Zambales, Nueva Ecija, SCTEX Patrol Crew, at Bureau of Fire Protection sa Subic.

Show comments