MANILA, Philippines — Karumal-dumal na kamatayan ang sinapit ng tatlo katao kabilang ang isang senior citizen at live-in partner nito na nakatulog sa kalasingan matapos silang pagpapaulin ng umano’y sumpak na gawa sa GI pipe o tubo sa ulo ng isang selosong mister dahil sa love triangle sa isang kubo sa Calamba City, Laguna kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni Lt. Col. Titoy Cuden, hepe ng Calamba City Police, ang mga nasawing biktima na sina Felix Anay Busion, alyas “Ferdie”, 64-anyos; ang kinakasama nitong si Vivian, at caretaker ng isang bakanteng lote na si Dante Cereno Lozano, 51, tubong Camarines Sur; pawang residente ng Santo Niño, Barangay Mayapa, Calamba City.
Ang tatlong biktima ay kapwa natagpuang duguan at basag ang mga ulo dahil sa matitinding hampas ng GI pipe o tubo sa magkakahiwalay na lugar sa labas at loob ng kubo.
Ang bangkay ni Busion ay nakita ng mga rumespondeng pulis na duguan at nakahandusay sa loob ng kubo, habang ang kinakasama nitong si Vivian ay patay na nakalugmok sa lupa sa labas at si Lozano ay nakahiga sa monoblock na upuan at halos wakwak din ang ulo malapit sa isang mesa na kanilang ginamit sa pag-iinuman ng alak bandang alas-9:45 ng umaga kahapon.
Ayon kay Cuden, makaraang ituro ng kinakasama, naaresto sa hot pursuit operation ng ng Calamba Police ang suspek na si Anthony America Bustonera, alyas “Antonio” at “Tonio”, 41 anyos, construction worker, tubong Mauban, Quezon at nakatira sa Barangay Mayapa, Calamba City nitong Lunes ng hapon at narekober din ang improvised gun o sumpak na ginamit sa pagpatay sa tatlo malapit sa crime site.
Lumalabas na hapon pa lang nitong Nob 24 nang makipag-inuman ang suspek at kinakasama nitong si Sheryl Ann Panes Olaez, 36, ng Brgy. Mayapa, Calamba City, sa mga biktima hanggang sa natuklasan ng barangay officials kinaumagahan ang mga bangkay ng tatlo.
Natuklasan ng pulisya ang masaker bandang alas-7:30 na ng umaga ng Nobyembre 25.
Si Olaez ay unang inaresto ng mga pulis pero itinuturing ngayong “key witness” sa kaso nang kanyang ituro ang kinakasama na siyang may kagagawan sa karumal-dumal na krimen.
Sa testimonya ni Olaez sa mga imbestigador, ala-1 ng hapon nitong Nob. 24, kasama niya sina Lozano, Busion at Vivian ay nag-inuman sa isang kubo na pag-aari ng isang alias “Kuay Willy”. Nakaubos sila ng apat na bote ng gin hanggang ala-1 ng madaling-araw ng Nob. 25 kaya sa kalasingan ay nakatulog sina Olaez at Lozano sa magkalapit na upuan sa labas ng kubo habang si Vivian ay nakatulog sa lapag at si Freddie/Busion ay nakaidlip na sa isang higaan sa loob ng kubo.
Sinabi na Olaez na ala-1:30 ng madaling-araw nang bigla siyang nagising sa tindi ng lagabog o ingay ng palo at nagulantang siya nang makitang nasa tapat na niya at nakatayo ang kanyang live-in partner na si Antonio at may hawak na GI pipe o tubo. Napansin agad niya na duguan na si Lozano, ang pinagseselosan ng suspek.
Kasunod nito, nilapitan ni Antonio si Olaez at pinaghahampas din kaya biglang tumakbo ang huli at pinuntahan ang natutulog na si Busion alyas Freddie sa loob ng kubo at tinangkang gisingin. Gayunman, agad nang nakasunod si Anthony at pinaghahataw nito ng tubo sa ulo ang nakahigang si Freddie na hindi na nagising.
Sa takot ni Olaez sa kanyang buhay, agad na nagtatakbo at nagtago sa damuhang bahagi pero agad siyang nakita ng suspek. Dito na siya pinagbantaan na tumahimik at huwag magsusumbong sa pulisya kundi ay papatayin din siya hanggang sa kapwa na umalis sa lugar.
Sa hot pursuit operation ng Calamba City Police intelligence personnel, natunton si Olaez na naging dahilan upang ituro naman nito ang live-in partner (suspek) kaya matagumpay na naaresto.
Tinitingnan ng pulisya ang “selos” o “illicit affair” sa pagitan nina Olaez at Lozano bilang motibo sa masaker.
Bago ang krimen, sinabi ni Cuden na kinompronta pa ng suspek (Antonio) si Lozano at binantaang papatayin kapag nakitang muli na kasama niya si Sheryl Ann Olaez dahil sa hinihinala nitong may relasyon ang dalawa.
Giit ni Olaez sa mga imbestigador, tatlong araw na silang hiwalay ng suspek bago ang krimen.
Nahaharap sa kasong 3-counts of murder ang suspek na nakapiit na sa police station.