2 sekyu ng mall sa Gapo, ginawaran ng ‘Honesto’ Award

OLONGAPO CITY, Philippines — Dalawang security guard ng isang mall sa lungsod na ito ang binigyan ng parangal dahil sa pagiging­ tapat sa tungkulin dahil sa pagsaoli ng dalawang mamaha­ling cellphone, matapos ang ginanap na flag raising ceremony ng lokal na pamahaalaan, kahapon.

Tinanggap ng dalawang guwardiya na sina Katherine Fariñas at Jeric Sta. Ana ang sertipiko ng parangal mula kay Olongapo City Mayor Rolen Paulino Jr. sa harap ng mga empleyado at government officials ng lungsod.

Nabatid na nagsasagawa ng inspeksyon si Fariñas sa loob ng Cinema 3 bandang alas-11:55 ng gabi ng makita nito ang Isang Samsung S24 Ultra at kaagad nitong dinala sa lost and found station ng mismong mall.

Isang Iphone 15 Pro Max naman ang nakita ni Sta. Ana sa lamesa ng food court kaya agad rin nitong dinala sa kanilang tanggapan.

Naibalik naman ang mga mamaha­ling cellphone matapos na tumawag sa kanilang mga numero ang mga may-ari nito at lubos ang kanilang pasasalamat sa pagkakabawi ng kanilang nawawalang mamahaling cellphone unit.

Nanawagan naman sa publiko ang PR officer ng SM Central Olongapo na si Ms. Nette Mortel na sakaling mayroon silang mapulot na mga mahahalagang kagamitan sa loob ng mall ay mangya­ring iturnover lamang sa kanilang lost and found department.

Show comments