Pagpatay sa 2 election officers, posibleng `work-related’ - pulis

COTABATO CITY, Philippines — Naniniwala ang pulisya na may kinalaman sa trabaho ang pagkakapatay sa municipal election officer ng Nunungan sa Lanao del Norte sa isang ambush nitong Lunes, eksaktong tatlong araw lang mula nang napatay naman ng mga armado ang assistant municipal election officer ng Isulan, Sultan Kudarat sa katulad na insidente.

Sa mga hiwalay na ulat itong Martes ng Lanao del Norte Provincial Police Office at ng Police Regional Office-10, minamaneho ni Mark Orlando Vallecer ang kanyang kotse ng siya ay tamba­ngan ng mga armadong kalalakihan sa Barangay Curva Miagqo sa Salvador, Lanao del Norte na nagsanhi ng kanyang agarang kamatayan. 

Mabilis na nakatakas ang mga nag-ambush kay Vallecer sakay ng mga motorsiklo na ayon sa mga imbestigador ng Salvador Municipal Police Station at barangay leaders sa naturang bayan ay posibleng mga “hired killers” na kinontrata ng mga nakagalit ni Valle­cer kaugnay ng kanyang pagka-municipal election officer ng Nunungan na may mga political warlords na mga magkalaban. 

Naganap ang pagpas­lang sa kanya tatlong araw pa lang mula ng mapatay sa isang ambush din si John Nico Allan Pandoy, assistant municipal election officer ng Isulan sa Sultan Kudarat.

Sakay si Pandoy ng kanyang motorsiklo ng ma-ambush nitong Sabado sa isang bahagi ng highway sa Barangay Poblacion sa President Quirino sa Sultan Kudarat, hindi kalayuan sa Isulan, at agad ding namatay sa mga tama ng bala.

Agad na nakatakas ang mga nag-ambush kay Pandoy, hindi pa nakikilala ng mga imbestigador ng President Quirino Municipal Police Station na may teorya rin na kaugnay din ng kanyang trabaho ang pagpaslang sa kanya.

Show comments