Roro vessel nasira sa gitna ng dagat, 100 pasahero 17 oras stranded
TABACO CITY, Albay, Philippines — Takot at pag-aalala ang sinapit ng hindi bababa sa 100-pasahero ng barkong MV Don Herculano matapos masira ang isa sa dalawang makina ng Roro vessel habang naglalayag patungong Tabaco City Port sa Albay mula sa Virac Port sa lalawigan ng Catanduanes Linggo ng gabi at umabot sa mahigit 17-oras sa karagatan.
Sa ulat, dakong alas-7 ng gabi nang umalis ang barko sa pantalan ng Virac, sakay hindi lang ang mga pasahero kundi mga sasakyang patawid ng dagat at mga pangarga.
Gayunman, nag-alala umano ang pamunuan ng Philippine Coast Guard-District Bicol dahil hindi ito dumating sa takdang oras na alas-12 ng hatinggabi sa Tabaco City Port.
Ayon kay Petty Officer 2nd Class Jerome Biñas, ipinagtaka umano nila ay wala silang natanggap na anumang distress call o SOS mula sa kapitan ng MV Don Herculano kaya sila na mismo ang tumawag at nagkumpirma na nagkaroon ng mechanical failure ang barko makaraang masira ang left engine nito.
Ayon sa live interview ni Pio Fernandez ng DZGB-AM News, kinumpirma ng isa sa sakay ng barko na si Edward Fernandez pasado alas-9 ng umaga kahapon ay nasa laot pa sila at patuloy na palutang-lutang sa karagatan ang sinasakyang barko habang nag-aalala na ang ilang pasahero dahil sa minsan ay may kalakihang alon.
Sa kuwento ng pasahero, ilang nautical miles pa lang umano sila mula sa Virac Port ay nasira na ang isang makina malapit sa Tagontong Point ng lalawigan. Paikut-ikot lang ang takbo at halos hindi umuusad dahil sa malakas na mga alon ng dagat.
Gayunman, sa kabila ng pahirapan at mabagal na paglalayag ay nakarating pa rin ang barko sa Lagonoy Gulf sa harap ng San Miguel Island, tinatayang 11-nautical miles mula sa Tabaco City Port.
Pasado alas-10 ng umaga na nang dumating ang kanilang saklolo mula sa MV Don Antonio ng Sta. Clara Shipping Lines na nanggaling pa ng Samar at hinatak hanggang sa makarating ito pasado alas-11 ng umaga kahapon sa Tabaco City Port.
- Latest