COTABATO CITY, Philippines — Arestado ang isang miyembro ng Citizens Armed Forces Geographical Unit 9 (CAFGU) na nabilhan ng isang kilong shabu ng mga pulis sa isang entrapment operation sa Barangay Zone II sa Zamboanga City nitong gabi ng Linggo.
Kinumpirma nitong lunes ni Brig. Gen. Bowenn Joey Masauding, director ng Police Regional Office 9, na nasa kustodiya na nila ang miyembro ng CAFGU na si Jalai Abirin Sabdadi, nakumpiskahan ng P6.8 milyong halaga ng shabu sa isang entrapment operation sa P. Reyes Street sa Barangay Zone II sa Zamboanga City.
Si Sabdadi ay residente ng Barangay Buton sa Tuburan sa hindi kalayuang probinsya ng Basilan, kung saan siya ay nagseserbisyo bilang kasapi ng CAFGU.
Ayon kay Masauding, kanilang kakasuhan si Sabdadi ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Hihilingin din ng PRO-9 sa Western Mindanao Command na naka-base sa Calarian, Zamboanga City na tanggalin na si Sabdadi sa pagka-CAFGU dahil sa kanyang nagawang labag sa batas, ayon kay Masauding.