LUCENA CITY, Philippines — Pormal nang sinimulaan noong Biyernes ng gabi ang pagsisimula ng Paskong Quezonian sa pamamagitan ng magarbong Christmas lights sa provincial capitol ng Quezon sa Lucena City.
Pinangunahan ni Governor Dra. Helen Tan ang countdown kasunod ng pagsasabing ang pagdiriwang ay pasasalamat ng mga taga-Quezon sa mga biyayang natanggap kabilang na ang hindi malaking epekto ng mga nagdaang bagyo. Kasama sa mga panalangin ng mga taga-Quezon ang mga kababayan sa ibang probinsya na labis na nasalanta ng mga kalamidad.
Tampok sa Paskong Quezonian ang makukulay na pailaw, na ang kabuuan ng Perez Park ng kapitolyo ay nagmistulang theme park sa ganda at liwanag.
Patok din ang giant Christmas tree na may taas na apat na palapag na gusali at gawa ito sa recycled materials na mayroon ding tunnel of lights.
Bilang bahagi ng pagdiriwang ay naghandog ng dance number ang mga kabataang performer ng Quezon province sa pamamagitan ng pagtatanghal ng kultura nitong “Naay po” o pag-inom ng lambanog.
Patok na rin ang night market o tiangge kung saan mabibili ang mga espesyal na produkto na gawang Quezon partikular ang mga kakanin at inumin.
Tatagal ang Paskong Quezonian hanggang Enero 7, 2025.