CAVITE, Philippines — Nalambat ng pulisya ang isang most wanted person (MWP) dahil sa kidnap-for-ransom cases sa inilatag na operasyon ng pulisya kahapon ng madaling araw sa Brgy. De Ocampo, Trece Martires City.
Arestado ang suspek na kinilala sa alyas na Philip, nasa hustong gulang, nasa listahan ng DILG bilang National MWP, at residente ng Regina Ville, Brgy. De Ocampo, Trece Martires City, Cavite.
Batay sa ulat ng pulisya, ala-1 ng madaling araw nang isagawa ng pinagsanib na puwersa ng Warrant at Intel personnel ng Trece Martires Police Station, na nagsilbing lead unit katuwang ang Anti-Kidnapping Group (AKG-PNP) Luzon Field Unit, Intelligence Group (IG- PNP) Internal Security Operation Division (ISOD) at Mac Arthur Municipal Police ang isang operasyon laban sa suspek.
Bitbit ang mga warrant of arrest na inisyu nina Hon Leila Cruz Suarez, Judge, Regional Trial Court ng Pasig City, National Capital Judicial Region, Branch 163, Taguig City para sa 2-bilang ng kasong Kidnapping for Ransom under Article 267 ng Revised Penal Code (two (2) counts), na walang inirekomendang piyansa, at isa pang warrant of arrest na inisyu ni Judge Carlos G Arguelles, acting Presiding Judge ng Regional Trial Court, Eight Judicial Region, Branch 10, Abuyog, Leyte, para sa kasong robbery.
Hindi na nakapalag pa ang suspek nang arestuhin ng pulisya na kasalukuyan na ngayong nakakulong.