PEÑARANDA, Nueva Ecija, Philippines — Buong lalawigan umano ng Nueva Ecija ang mabebenepisyuhan ng itatayong Meralco Terra Solar Project, ayon kay Nueva Ecija Congressman Emerson Pascual sa isinagawang groundbreaking ceremony ng naturang proyekto sa bayang ito, noong Nobyembre 21.
Sa pahayag ni Cong. Pascual, ang kinatawan mula sa ikaapat na distrito ng Nueva Ecija, hindi lamang ang kanilang distrito kundi ang buong Nueva Ecija ang mailalagay sa mapa ng kasaysayan dahil dito matatagpuan ang pinakamalaking solar project sa buong mundo.
Sinabi niya na maliban sa pagsusuplay ng kuryente sa grid ay inaasahang magbibigay rin ng maraming trabaho para sa mga kababayan ang itatayong solar project, mula sa konstruksyon hanggang sa ito ay maging fully operational na.
“Kasi ito, hindi lang ito yung basta magsu-supply lang ng kuryente sa NGCP. Ito ay may napakagandang economic impact sa amin, hindi lang sa bayan ng Peñaranda at sa Gapan City. Plus ‘yung livelihood, yung magiging empleyado nila. Aabutin sila ng almost 10,000 employees kapag ito ay nag-fully operational na,” pahayag ni Pascual.
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang groundbreaking ceremony ng proyekto, kasama sina Sen. Loren Legarda, DILG Sec. Jonvic Remulla at Meralco chairman at CEO Manuel V. Pangilinan.
Mensahe ni Pres. Marcos Jr., ay kaniyang binigyan-diin ang kahalagahan ng ganitong proyekto sa ating umuunlad na bansa.
Itong proyekto umano ay inaasahang makapaghahatid ng mas mura at matatag na suplay ng kuryente sa higit dalawang milyong kabahayan.
Bukod pa rito, makababawas ng 4.3 million metric tons na carbon emissions kada taon sa paggamit ng solar project, na bahagi sa layunin ng bansa na lumipat sa paggamit ng sustainable energy.