2 pulis nakapatay ng lalaking nag-amok, inabsuwelto

CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Inihayag kahapon ng National Police Commission (Napolcom)-Calabarzon na naklaro o walang nakitaang pagkakamali ang dalawang pulis na sangkot sa pamamaril at pagkamatay ng isang lalaking nag-amok nang paghahatawin ng dos-por-dos ang isang 19-anyos na babae at dalawang binatilyo sa Barangay Dalahican, Lucena City , Quezon, noong Nobyembre 12 ng madaling araw.

Ayon kay Atty. Owen De Luna, Napolcom-Calabarzon police director, sina Master Sergeants Gregorio Manalo at Peterson Delfin Yñego, kapwa miyembro ng Dalahican Sub-Station, Lucena Police Station, ay ipinatawag at muling ibinalik sa kanilang dating posisyon.

Sa isinagawang parallel investigation ng Napolcom-Calabarzon, sinabi ni De Luna na lumalabas na ginagampanan lamang ng dalawang nasabing pulis ang kanilang tungkulin, sa naganap na insidente ng “amok”, ayon sa kanilang pagmamasid at pagsunod sa Standard Police Operation Procedure na ipinatutupad ng Philippine National Police.

Sinabi ni De Luna na ang mga saksi ay nagbigay rin ng kanilang mga testimonya at nakatulong ang nakuhang close circuit television (CCTV) camera na naka-install malapit sa pinangyarihan ng krimen, na nagpapakita na sinubukan ng mga opisyal na patahimikin ang suspek at dahil sa napipintong banta at panganib sa kanilang buhay, kaya nila pinaputukan na kanyang ikinabulagta.

Sinabi ni De Luna sa Pilipino Star Ngayon, na ang isang kamag-anak ng namatay na suspek na si Jeffrey Cosejo, isang construction worker, ay boluntaryong nagbigay ng affivadit of disinterest para sa mga kasong kriminal na isinampa laban sa dalawang pulis.

Show comments