COTABATO CITY, Philippines — Isang kasapi ng gun club na popular sa pagpapalaganap ng kaalaman sa responsableng pagmamay-ari ng mga lisensyadong baril ang napatay ng isang hinihinalang hired killer sa Barangay East Dadiangas sa General Santos City nitong gabi ng Miyerkules.
Sa hiwalay na ulat nitong Huwebes ng General Santos City Police Office at ng Police Regional Office-12, pitong tama ng bala ang dahilan ng agarang pagkamatay ni Akmad Usman, residente ng hindi kalayuang bayan ng Malapatan sa Sarangani.
Ayon sa mga imbestigador ng lokal na pulisya at mga barangay officials, nakaupo si Usman sa labas ng bakuran ng kanyang kaibigan sa Ramos St., Barangay East Dadiangas nang lapitan ng isang lalaking sakay ng motorsiklo at binaril ng pitong beses na nagsanhi ng kanyang kamatayan.