MANILA, Philippines — Dead-on-the-spot ang isang factory worker matapos na barilin ng mga motornapper nang manlaban sa riding-in-tandem habang tinatangay ang kanyang motorsiklo sa Antipolo City, Rizal kamakalawa.
Mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang agarang ikinasawi ng biktimang si Robin Rodriguez, 38, residente ng Sta. Felicitas St., Upper 2, Peñafrancia, Barangay Cupang, Antipolo City habang sugatan naman ang isang alyas “Delfin”, 39, matapos na barilin sa paa ng mga salarin nang tangkaing tulungan ang biktima.
Samantala, inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga salarin na ang isa ay inilarawang nakasuot ng bonnet at short pants habang ang isa ay nakasuot ng puting jacket at pulang helmet.
Sa inisyal na ulat ng Antipolo Police, alas-5:50 ng madaling araw nang maganap ang krimen, malapit sa tahanan ng biktima.
Nauna rito, papasok na sana sa trabaho ang biktima sakay ng kanyang asul na Honda Click motorcycle nang bigla na lang dumating ang mga suspek, na magkaangkas sa motorsiklo. Kaagad umanong bumaba ang isa sa mga salarin at tinangkang agawin ang motorsiklo ng biktima.
Nanlaban naman umano ang biktima, sanhi upang pagbabarilin siya ng isa sa mga suspek, na agaran niyang ikinasawi.
Tinangka naman ni Delfin na tulungan ang biktima pero maging siya ay binaril sa paa ng mga suspek.
Mabilis na ring tumakas ang mga suspek, tangay ang motorsiklo ng biktima, patungo sa direksiyon ng Marcos Highway.