Contractor na kalahok sa motor race, itinumba

MANILA, Philippines — Patay ang isang contractor na kalahok sa Enduro cross motorcycle race event nang pagbabarilin ng ‘di kilalang salarin sa Tanay, Rizal kamakalawa.

Tatlong tama ng bala ang agarang ikinasawi ng biktimang si Jason Cruz, 36, at residente ng Brgy. Dalig, Teresa, Rizal, na umano’y kalahok sa isang motorcycle race event sa lugar.

Samantala, nakatakas at tinutugis naman ng mga awtoridad ang di nakilalang suspek na inilarawang nasa hanggang 5’2” ang taas, katamtaman ang laki ng panga­ngatawan, nakasuot ng cap, kulay olive green na t-shirt at camouflage na 6-pocket short.

Sa ulat ng Tanay Municipal Police, alas-8:55 ng umaga, habang nasa sa Difflock Race Track (DRT) sa Sitio Macaira, Brgy. Sampaloc, Tanay ang biktima nang bigla na lang lapitan ng suspek at saka malapitang binaril ng tatlong beses, saka mabilis na tumakas lulan ng isang puting Toyota Innova.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, natukoy na ang biktima ay kalahok sa isang Enduro cross motorcycle race event sa lugar at gabi pa lamang ay nasa venue na siya, kasama ang isang kaibigan.

Show comments