BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Tinatayang nasa P13 milyong halaga ng marijuana bricks ang nadiskubre at nasamsam ng pulisya matapos sumalpok ang isang SUV sa kahabaan ng national highway sa Barangay Bone South, Aritao ng lalawigang ito kamakalawa ng hapon.
Dinakip naman ang dalawang suspek na nakilalang sina Jan Paulo Navarro, 24, ng Commonwealth, Quezon City NCR at Marc Ivan Ventura, 21, isang estudyante na na taga-Centro, Poblacion Sur, Mayantoc, Tarlac.
Sa ulat ng Aritao Police, unang sumalpok ang isang kulay gray na Mitsubishi Expander (GL562A) sa isang concrete barrier dakong alas-3:00 ng hapon na ikinasugat ng mga suspek.
Dahil dito, agad na rumesponde ang rescue personnel Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ng Aritao para lapatan ng paunang lunas ang mga sugatan na sakay ng SUV. Gayunman, napansin nila ang kahina-hinalang kilos ng mga suspek hanggang sa madiskubre sa loob ng SUV na may sakay silang 111 marijuana bricks na tumitimbang ng 111 kilos at nagkakahalaga ng P13,320,000.
Isa sa kasama ng mga nadakip ang mabilis na tumakbo na nagtangka pa umanong itakas sana ang nasabing droga.