MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Nauwi sa barilan ang ikinasang buy-bust operation ng pulisya na ikinasugat ng isang babaeng police official at dalawang suspek habang nasa P5.4-milyong halaga ng shabu ang nakumpiska sa lungsod ng Meycauayan kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga sugatang suspek na sina alyas “Dan” at “Analyn” habang sugatan din si PCapt Jocelyn Calvario, hepe ng Intelligence at Drug Enforcement Unit.
Sa report ng Meycauayan Police Station, ikinasa ang operasyon ng Special Drug Enforcement Unit (SDEU) nitong madaling araw ng Linggo, Nobyembre 17 sa Brgy. Pandayan.
Ayon sa report, nagsasagawa ng casing at surveillance operation ang mga operatiba ng SDEU lulan ng pribadong sasakyan sa nabanggit na lugar nang biglang paputukan ni Dan.
Gumanti ng putok ang mga operatiba sa papatakas na mga suspek hanggang sa nakorner at naaresto ang mga ito. Nang humupa ang mga putok ay kapwa nagtamo ng bala ang mga suspek habang si PCapt. Calvario ay duguan din ang kaliwang binti.
Nasamsam sa operasyon ang nasa 800 gramo na hinihinalang shabu na may standard drug price na P5,440,000, isang automatic 9mm rifle (Uzi), mga magasin at bala.