22 terorista sumuko sa Maguindanao
COTABATO CITY, Philippines — Karagdagang 22 pa na mga miyembro ng dalawang magka-alyadong teroristang grupo, hawig sa Islamic State of Iraq and Syria, ang sumuko sa Bangsamoro regional police nitong Biyernes.
Ang naturang mga miyembro ng Dawlah Islamiya at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ay nanumpa ng katapatan sa pamahalaan sa isang seremonya sa Camp SK Pendatun sa Parang, Maguindanao del Norte na dinaluhan nina Lt. Gen. Michael John Dubria, acting deputy chief for operation ng Philippine National Police, at Brig. Gen. Romeo Jaime Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region.
Ayon kay Macapaz, pumayag na magbalikloob na sa pamahalaan ang grupo, na nagsuko rin ng assault rifles, M79 grenade at B40 rocket launchers, sa pakiusap ng mga local government executives sa Maguindanao del Sur at Maguindanao del Norte at ng mga opisyal ng iba’t ibang units ng PRO-BAR sa dalawang probinsya.
Sa tala, abot na sa 498 na mga miyembro ng BIFF at Dawlah Islamiya ang sumuko sa mga opisyal ng ibat-ibang unit ng PRO-BAR mula 2022, nagbabagong buhay na sa kani-kanilang mga bayan.
Sangkot ang BIFF at Dawlah Islamiya sa mga madugong pambobomba sa Central Mindanao mula 2014 at kilala rin ang dalawang grupo sa pangingikil ng “protection money” sa mga kumpanya ng mga passenger buses at mga establisyemento sa rehiyon.
- Latest