P6.3 milyong shabu, marijuana samsam sa Cordillera, 3 drug pushers timbog
MANILA, Philippines — Umiskor ang mga awtoridad kasunod ng pagkakasamsam sa P6.3-milyong halaga ng shabu at marijuana habang tatlong pinaghihinalaang drug pushers naman ang nasakote sa operasyon sa Cordillera Region, ayon sa ulat nitong Sabado.
Sa report ni P/Brig. Gen. David Peredo Jr., Cordillera Police Regional Chief, 17 plantasyon ng marijuana ang sinalakay kamakailan sa bulubunduking bahagi ng Brgy. Tacadang, ppalina at Kibungan gayundin sa Brgy. Kayaa; pawang sa bayan ng Bakun , Benguet .
Dito’y nakumpiska ang 15,770 mga puno ng marijuana; 7,000 gramo ng pinatuyong marijuana stalks na nagkakahalaga ng P 3.9 milyon.
Sumunod namang ni-raid ng Cordillera Police ang dalawa pang plantasyon ng marijuana sa Brgy. Loccong at Buscalan sa Tinglayan kung saan nakumpiska naman ang 11, 500 puno ng marijuana na tinatayang nagkakahalaga ng P2.3 milyon.
Bago ang operasyon ay nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng pulisya mula sa isang tipster hinggil sa illegal na taniman ng marijuana sa nasabing lugar kaya’t agad na ikinasa ang operasyon.
Samantala, tatlo namang drug pushers ang nasakote sa buy-bust operation sa magkakahiwalay na lugar sa Baguio City at Mankayan, Benguet kamakailan. Pansamantala namang hindi tinukoy ang pangalan ng mga suspect habang patuloy na isinasailalim sa masusing imbestigasyon.
Nakumpiska naman mula sa mga ito ang ilang sachet ng shabu na nagkakahalaga naman ng P47,000.00.
- Latest