2 minor tinadtad ng bala sa loob ng kotse, utas!

Makikitang tadtad ng bala ang kotse ng magpin- san na sina Johari Moksin at Hamod Moksin na kapwa dead-on-the-spot sa gun attack sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur nitong Huwebes.

COTABATO CITY, Philippines — Dalawang binatilyo na magpinsan ang patay matapos paulanan ng bala ang kanilang sinasakyang kotse sa may highway ng Barangay Labu-Labu sa Shariff Aguak, Maguin­danao del Sur nitong Huwebes ng hapon.

Sa pahayag ni Brig. Gen. Romeo Jaime Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) sa mga mamamahayag kahapon, magkasama ang magpinsan na kinilalang sina Johari Moksin, 17, at Hamod Moksin, 16-anyos, sa loob ng isang kotse nang biglang umatake ang mga armadong kalalakihan sa Brgy. Labu-Labu, malapit sa town proper ng Shariff Aguak.

Sa inisyal na ulat ng Shariff Aguak Municipal Police na isinumite sa tanggapan ni Macapaz sa Camp SK Pendatum, Parang, Maguindanao, sinasabing ang mga biktima ay kapwa residente ng kalapit na bayan ng Mamasapano, ‘di kalayuan sa Brgy. Labu-Labu.

Agad na pinaulanan ng bala ng mga di kilalang suspek ang sasakyan na agarang ikinasawi ng dalawang menor-de-edad bunsod ng mga balang tumagos sa kanilang iba’t ibang bahagi ng katawan.

Matapos na matiyak na napuruhan ang mga biktima, ang mga suspek na armado ng mga assault rifles at pistols ay mabilis na tumakas gamit ang kanilang get away vehicle, ayon sa mga imbestigador at barangay officials ng Labu-Labu.

Show comments