CAVITE MANILA, Philippines — Nalambat ng pulisya ang tatlong hinihinalang bigtime pusher at dealer ng droga kabilang ang isang guwardya sa inilatag na buy-bust operation sa parking lot ng isang kilalang mall sa lungsod ng Bacoor kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Faisal”, 31-anyos, security guard, ng Brgy. Bacao, Gen. Trias, Cavite; alyas “Gringgo”, 33, ng Baseco Compound, Tondo, Manila, at alyas “Esmael”, 42, driver, ng Brgy. Bacao, General Trias, Cavite.
Sa ulat, ala-1:40 ng hapon nang magkasa ng buy-bust ang pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Regional Office IV, RSET sa pangunguna ni Insp. Marcial Calibaquib at Regional Drug Enforcement Unit -IV A sa pangunguna ni PMajor Joven Manalansan laban sa tatlong suspek, sa parking Lot E, Area D-4 ng isang malaking mall sa Bacoor.
Nang magkaabutan ng droga at buy-bust money, agad na dinakma ang tatlo at narekober sa kanila ang nasa 77 gramo ng shabu na nasa P4,760,000 ang halaga; pulang Toyota Altis (NDT 8473) na gamit ng mga suspek at buy-bust money.