3 kidnaper ng American vlogger utas sa encounter!

The photo shows Elliot Onil Eastman, the American kidnapping victim.
STAR/File

MANILA, Philippines — Patay sa engkuwentro ang tatlong suspek sa pagdukot sa American ­vlogger na si Elliot Eastman na nananati­ling nawawala, sa Kabasalan, Zamboanga Sibugay nitong Martes ng madaling araw.

Ayon sa Police Regional Office 9 (PRO-9), isinagawa ang joint ope­ration ng mga pulis at militar bandang alas-5 ng madaling araw na nagresulta sa pagkasawi ng mga suspek na kinilalang sina Mursid Ahod, Abdul Sahibad, at Fahad Sahibad nang magkaroon ng palitan ng putok.

Ayon sa PRO-9, nasa 10 suspek ang nakasagupa ng mga awtoridad.

Batay sa intelligence reports ng PNP na sina Ahod at Sahibad, ang nagsusuporta sa mga kumidnap kay Eastman at upang makatakas sa mga tumutugis sa kanila.

Lumilitaw na sangkot din si Ahod sa mga kaso ng kidnap-for-ransom, extortion, theft at maging sa Kabasalan Massacre in 2015 and 2016.

Sa record naman ng militar, sina Sahibad at Fahad ay kapwa miyembro ng kidnap-for-ransom group sa Zamboanga Peninsula.

Naisampa na ang kasong kidnapping at serious illegal detention laban sa anim na suspek sa pagkidnap kay Eastman kung saan tatlo ang nasa kustodiya na ng pulisya.

Itinaas na sa P500,000 ang reward sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ni Eastman.

Matatandaang dinukot si Eastman ng apat na armadong kalalakihan sa bahay ng kanyang mga biyenan sa bayan ng Sibuco noong Oktubre 17. Binaril ng mga suspek si Eastman nang magtangkang tumakas.

Wala namang natatanggap na ransom demand o proof of life ang pamilya ni Eastman simula nang siya ay dukutin.

Isa sa mga tinitingnang motibo ng mga awtoridad ay ang mga vlog ni Eastman na nagsasabing “hindi siya gusto” ng mga tao sa lugar at sinasabing posibleng may mangya­ring masama sa kanya.

Show comments