May kasong 20 murder, 9 frustrated murder
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Kalaboso ang isang kasapi ng New People’s Army (NPA) na kumakandidatong vice-mayor sa May 2025 mid-term election at nakatalang number 1 regional most wanted person (MWP) ng Bicol Region matapos maaresto ng mga tauhan ng Police Regional Office (PRO) 5 sa ginawang warrant of arrests operation sa Brgy. Poblacion, San Vicente, Northern Samar kamakalawa ng hapon.
Hindi na nakapalag at kusang sumama sa mga arresting officers ang suspek na nagpapakilala sa Northern Samar na alyas “Pikoy”, 44-anyos, ng Brgy. Bagacay, San Jacinto, Masbate at kasapi ng NPA Bicol Regional Party Committee.
Si Pikoy ay itinuturing na number 1 regional MWP dahil sa 20-bilang ng kasong murder simula noong taong 2014, 2016, 2020, 2021, 2022 at 2023; at 9-bilang ng kasong multiple attempted murder sa Regional Trial Court, 5th Judicial Region sa lalawigan ng Masbate.
Sa ulat na inilabas ng PRO5 sa pangunguna ni regional director Brig.Gen.Andre Perez Dizon ang suspek ay nasa primary target sa “Coplan CN: Electro” at nasa listahan ng e-warrant system.
Kaya nang matagumpay na matunton ng intelligence operatives ang kinaroroonan ng akusadong kandidato ay agad bumuo ng arrresting team mula sa San Fernando Municipal Police Station bilang lead unit; Dimasalang MPS at Mobo MPS; Provincial Intelligence Unit; 2nd Provincial Mobile Force Company; Regional Intelligence Division-Special Operation Unit; 502nd Regional Mobile Force Battalion 5; PNP-Special Action Force; 97th Military Intelligence Company ng 9th Division, Philippine Army. Kasama rin ang San Vicente Municipal Police Station at Provincial Intelligence Unit ng Northern Samar Police Provincial Office.
Dakong ala-1 ng hapon ay sinalakay ng binuong operatiba ang kinaroroonan ng suspek na kanyang ikinaaresto.