Lady cop, sinagip naghihingalong sanggol sa bangka

Makikita ang mabilis na pagresponde ng mga kasapi ng BFP at PNP kabilang ang lady cop na si Corporal Deanna Quierra upang tulungan ang isang nanay na biglang napaanak sa bangka sa Rapu-Rapu, Albay. Nasa ligtas na rin na kalagayan ang bagong silang na sanggol na nadatnang naghihingalo matapos ang pagsagip ni Quierra.

RAPU-RAPU, Albay, Philippines — Bayaning ituturing ngayon ng mga residente ng islang bayan ng Rapu-Rapu ang isang policewoman matapos na sagipin ang naghihingalong bagong silang na sanggol na iniluwal ng ina sa sinasakyang bangka.

Pero mas higit na tuwa at pagpapasalamat ang nararamdaman ni Police Corporal Deanna Quierra, kasapi ng Rapu-rapu Municipal Police Station sa puong Maykapal dahil ginamit siyang instrumento upang mai­salba sa tiyak na kapahamakan ang sanggol pati na ang kanyang ina na residente ng Brgy. Binosawan ng naturang bayan.

Sa ulat, alas-4:30 ng hapon kamakalawa ay nakatanggap ang himpilan ng Rapu-Rapu Municipal Police Station hinggil sa manganganak na nanay na sakay ng pampasaherong bangka sa pantalan.

Nagmula pa umano sa kalapit na isla ng Brgy. Binosawan ang bangka at patungong bayan pero doon na inabutan ng panganganak ang babae at hindi na kayang isugod pa sa pagamutan.

Mabilis na rumes­ponde si Quierra at mga kasamang pulis at dinatnan ang naroon ng mga kasapi ng Bureau of Fire Protection. Gayunman, namangha siya dahil nangingitim at hindi na humihinga ang sanggol na iniluwal ng ina.

Dahil sa isang registered nurse at katuwang ang BFP-personnel ay lakas loob na ni-revive ng nasabing babaeng pulis ang sanggol sa pamamagitan ng cardiopulmonary resuscitation at iba pang neonatal resuscitation techniques.

Umabot ng ilang minuto ang pag-CPR sa sanggol hanggang sa makitaan ng response at nakakahinga na. Dito na pinutol ng lady cop ang ambilical cord na nakakabit pa sa pusod ng nanghihinang nanay saka sinugod ang mag-ina sa Rapu-rapu District Hospital.

Sa ngayon, nasa mabuti nang kalagayan ang mag-ina na laking pasasalamat kay Quierra at sa mga rumespondeng pulis at rescuers ng BFP.

Show comments