Mining exploration sa Abra, pinatigil ng NCIP

BAGUIO CITY, Philippines — Bilang tugon sa hinaing ng mga katutubo ng bayan ng Sallapadan, Abra, pinatigil ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) Cordillera ang mining exploration ng Yamang ­Mineral Corporation (YMC) sa naturang bayan.

Matatandaang nagreklamo si Sallapadan Mayor Fernando Alafriz Semanero sa Mines and Geosciences Bureau (MGB), Department of Environment and Natural Resources (DENR) Abra, at NCIP na hindi nakonsulta ang mga taong bayan ng Sallapadan bago nabigyan ng exploration permit ang YMC sa kanilang lupang ninuno.

Noong Oktubre 31, 2024, inihayag ng YMC, isang subsidiaryo ng London-based FCF Minerals Corp. na pinagkalooban na ito ng MGB ng Authority to Verify Minerals (ATVM) upang mag-explore sa lupain ng mga Tingguian ng Sallapadan,  hanggang Licuan-Baay at Lacub na may kabuuang sakop na 16,200 ektarya.

Sa sulat ni NCIP Cordillera Regional Director Roland P. Calde sa YMC Country Manager na si Luke Bowden, pinaalala niya na wala pang Certification Pre-Condition (CPC) ng kumpanya mula NCIP kahit na ito ay nagsasagawa na ng mga aktibidad sa lupain ng mga katutubo.

Ayon pa sa NCIP official, bago sana magbigay ng MGB ng permiso o makipagkasundo ang isang ahensiya ng gobyerno sa mga kumpanya ng minahan na dapat ay may CPC muna galing sa NCIP at bago nito ay dapat mayroong Free Prior and Informed Consent (FPIC) mula sa mga apektadong katutubo.  Aniya, ito ay naayon sa Republic Act 8371 o ang Indigenous Peoples Rights Act (IPRA).

Pinayuhan din ni Calde si Bowden na magpaliwanag ito bakit hindi sila dapat mapatawan ng anumang legal na aksyon.

Nauna rito, nagpahayag Abra Rep. si Menchie “Ching” Bernos na ipapaimbestiga niya sa Kamara ang pagbibigay ng MGB ng ATVM sa YMC kahit walang konsultasyon sa mga apektadong katutubo.

Nabahala rin ang pangulo ng League of Municipalities in the Philippines (LMP) na si La Paz, Abra mayor JB Bernos nang malaman ang hinaing ni Semanero at ng mga Tingguian ng Sallapadan.

Show comments