CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Nilimas ng mga hinihinalang kilabot na “Akyat-Bahay Gang” ang P20-milyong cash na nasa vault nang kanilang pasukin at pagnakawan ang tanahan ni incumbent Laguna Governor Ramil Hernandez sa Barangay Dila, Bay, ayon sa mga awtoridad, kahapon.
Kinumpirma ng tatlong opisyal ng pulisya na nilooban ang bahay ni Gov. Hernandez sa nasabing lugar noong Nobyembre 3 sa pagitan ng alas-2 ng madaling-araw hanggang alas-7 ng umaga ngunit naiulat lamang sa pulisya ng alas-10:45 ng umaga ng nasabing petsa.
Sinabi ng mga opisyal na pinayuhan umano ng mga police probers na huwag i-post sa media journal gayundin na ipatupad ang news blackout sa insidente.
Sa police report na nakuha ng Pilipino STAR Ngayon, ang mga bantay ni Hernandez ng kanyang mga ari-arian ay ang katiwala nito na si Isagani Guillermo Bernardino at mga security guard ng VSM Security agency.
Lumalabas na nagawang makapasok ang mga ‘di kilalang suspek sa likurang pinto ng bahay sa pamamagitan ng puwersahang pagbukas ng pinto.
Pagdating sa loob, agad na tinungo ng mga suspek ang vault at sinira ang bakal na bukasan ng vault gamit ang bolt carter at steel iron.
Nakuha ng mga suspek ang isang malaking cash money na nagkakahalaga umano ng P20-milyon at nabigo silang mahanap ang isa pang malaking halaga ng cash na mahigit P1-milyon na lihim na nakatago rin sa loob ng vault.
Matapos na makulimbat ang nasabing halaga, mabilis na umalis ang mga suspek.
Narekober ng mga rumespondeng otoridad ng pulisya ang natitirang cash money na nagkakahalaga ng P1,024,500 at iba pang mga gamit ng tauhan at agad na itinurn-over kay Dennis Hernandez, Executive Assistant ni Gob. Hernandez.