MANILA, Philippines — Isang 53-anyos na ginang ang patay nang masuntok sa batok ng kanyang live-in partner habang inaawat ito sa pakikipagsuntukan sa kanyang anak sa Barangay Aplaya sa Santa Rosa City, Laguna noong Biyernes.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Lita Moreno, residente sa nasabing lugar.
Ayon kay Police Lt.Col. Benson Pimentel, chief of police ng Santa Rosa City, nakainom ang 50-anyos na mister na ‘di pa pinangalangan at kalaunan ay nakaaway at nakasuntukan niya ang 19-anyos na anak ng biktima, sa labas ng kanilang bahay. Pumagitna naman ang ginang, kaya siya ang biglang nasuntok ng kinakasama.
Bagama’t naisugod pa sa ospital ang biktima, binawiin din ito ng buhay makalipas ang dalawang oras.
Lumabas na ilang beses na ring inireklamo ang suspek dahil umano sa paninilip niya sa mga babaeng anak ng biktima habang sila ay naliligo.
Aminado naman ang suspek na madalas niyang nakakaaway ang mga anak ng biktima.
Hustisya naman ang hiling ng mga kaanak ng biktima lalo na’t naulila niya ang pitong anak.
Nakapiit na sa Santa Rosa Police Station ang suspek at nahaharap sa kasong homicide.