Shellfish sa baybayin ng Bacoor at Pagbilao, nakitaan ng ‘diatoms’
MANILA, Philippines — Kinumpirma ng mga mananaliksik mula sa Ateneo de Manila University Department of Biology at Universiti Malaysia Sarawak ang pagkakaroon ng dalawang species ng “Pseudo-nitzschia diatoms” sa katubigang bahagi ng Luzon, na magdudulot ng pagtatae, pagsusuka, pananakit ng tiyan at permanent short-term memory loss, batay sa ulat ng ABS-CBN online.
Sa ginawang pag-aaral mula sa sample ng tubig sa shellfish farm sa Bacoor Bay sa Cavite at Pagbilao Bay, sa Quezon, natukoy ang isang uri ng microscopic algae na diatoms ay may dalawang species na “P pungens” at “P brasiliana”.
Ang P brasiliana ay sa unang pagkakataon lamang nadiskubre sa Luzon. Ito ay nagpoprodyus ng lason o domoic acid.
Ang huling dokumentadong kaso ng amnesic shellfish poisoning ay noong 1987 sa Prince Edward Island, Canada kung saan apat na biktima ang namatay matapos kumain ng mga nakakalason na tahong.
Ayon sa Washington State Department of Health, ang lason na nagdudulot ng amnesic shellfish poisoning ay hindi nasisira sa pamamagitan ng pagluluto o pagyeyelo at walang panlunas para dito.
Gayunpaman, ang nakakalason na domoic acid ay maaaring maipon sa filter-feeding shellfish tulad ng mussels at clams sa panahon ng algal blooms o red tide kapag ang algae ay naging isang mas malaking mapagkukunan ng pagkain para sa shellfish.
- Latest