Rider bumangga sa aso, kapwa patay

LUCENA CITY, Philippines — Patay ang isang rider matapos sumemplang ang kanyang minamanehong motorsiklo nang mabangga niya ang tumatawid na aso na ikinasawi rin ng nasabing hayop sa Barangay Silangang Mayao ng lungsod na ito, kamakalawa. 

Ayon sa ulat ni Lt. Col. Dennis De Guzman, hepe ng Lucena City Police, binabagtas ng biktimang si alyas “Jian”, 21, lulan ng motorsiklo ang Maharlika Highway patungo sa direksyon ng city proper nang biglang tumawid ang isang aso at nabangga niya ito.

Dahil sa mabilis ang takbo, nawalan ng kontrol sa manibela ng minamanehong motorsiklo ang biktima saka tuluyang sumemplang na naging sanhi upang magtamo ng matin­ding pinsala sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan.

Mabilis na isinugod ng mga responders ang biktima sa pagamutan subalit idineklarang dead-on-arrival. 

Dahil sa tindi ng pagkakabangga, namatay rin sa aksidente ang nasabing aso.

Show comments