MANILA, Philippines — Nilamon ng ilog ang isang Grade 7 student na batang lalaki sa naganap na trahedya sa Brgy. Aranda, Hinigaran, Negros Occidental kamakalawa.
Sa report ng Negros Occidental Police, hindi na tinukoy ang pangalan ng biktima sa pakiusap ng kanyang pamilya.
Base sa imbestigasyon, nangyari ang insidente bandang alas-12:30 ng hapon sa isang ilog sa Brgy. Aranda ng bayang ito .
Nabatid na ang biktima at mga kamag-aral nito ay nagkayayaang maligo sa ilog habang naka-lunch break.
Gayunman, habang nagkakatuwaan sa paglalangoy ang mga estudyante ay napagawi sa malalim na bahagi ng ilog ang biktima bunsod upang malunod ito dahilan hindi pala ito gaanong marunong lumangoy.
Nabigo naman ang mga kaklase ng biktima na sagipin ito dahilan sa malakas na agos ng tubig kaya’t humingi sila ng tulong sa mga residente sa lugar.
Nagawa namang maiahon ang biktima pero wala nang buhay.
Wala namang nakitang foul play ang mga awtoridad sa pagkalunod ng nasabing estudyante.