CABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Philippines — Kinumpiska ng awtoridad sa isinagawang Oplan Sita ang mga “smuggled” o puslit na sigarilyo na sakay ng isang kotse sa Barangay Sto. Rosario Young sa bayan ng Zaragoza, NE, kamakalawa ng umaga.
Iniulat ng Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO), dito, na bandang alas-11:45 ng umaga noong Biyernes, nang pahintuin sa isang checkpoint ng mga elemento ng Zaragoza Police, 2nd Maneuver Platoon, at 1st PMFC, NEPPO sa pamumuno ni P/Capt. Rodelio Guttierez, ang isang kotse na lulan ng dalawang lalaki.
Iniutos umano ng isang pulis sa dalawang lalaki na buksan ang bintana sa likuran ng kotse at doon tumambad ang 11 kahon ng sigarilyong may tatak na “Carnival”, at 2 pang kahon ng sigarilyong “HP”.
Dahil dito, hinanapan ng kaukulang dokumento ang drayber at kasama nitong lalaki, na kapwa hindi pinangalanan ng pulisya, ngunit sinabing kapwa nakatira sa Brgy. San Francico sa bayan ng San Antonio, NE, ngunit wala umanong naipresentang papeles sa pulisya.
Ang 13 kahon ng sigarilyo na nagkakahalaga umano ng P150,000 ay nasa kustodiya na ng pulisya ng Zaragoza, gayundin ang dalawang inarestong suspek, kasama ang kotse nilang serbis na Toyota Vios, na kulay dark brown metallic.
Nahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9211 o ang Tobacco Regulation Act of 2003.