P1 milyong droga nadiskubre sa motor na sangkot sa ‘hit-and-run’

TIWI, Albay, Philippines — Aabot sa kabuuang P1,020,000 na halaga ng droga ang nadiskubre ng mga humahabol na pulis sa isang motorsiklo na inabandona matapos masangkot sa “hit-and-run” sa national highway ng Brgy. Nagas, Tiwi, Albay kamakalawa ng hapon.

Natukoy na ng pulisya ang rider na iti­nuturing na “person of interest” na tumakas nang parahin ng mga kasapi ng Tiwi Municipal Police Station sa inilatag na “Oplan Sita” makaraang makatanggap ng flash alarm hinggil sa aksidenteng kinasangkutan sa naturang barangay.

Sa ulat, dakong alas-3 ng hapon habang binabagtas umano ng walang plakang motorsiklo ang kahabaan ng highway nang mabangga nito ang isang matandang naglalakad sa kalsada.

Gayunman, sa halip na tumigil at tulungan ang nabangga ay humarurot ang rider at tumakas.

Agad nagkasa ng oplan sita sa Brgy.Tigbi ang mga kasapi ng Tiwi Municipal Police Station at nang pinapara ang suspek ay bigla nitong pinaharurot patakas ang kanyang motorsiklo mula sa mga nakaabang na mga pulis.

Natagpuan ang motorsiklo na inabandona sa Brgy.Gajo at nang rebisahin ang saddle bag ay tumambad ang plastic ng isang delivery company na may lamang dalawang bungkos ng plastik na may lamang shabu na tumitimbang ng 150-gramo at nagkakahalaga ng P1.02 milyon.

Ayon sa mga nakasaksi, iniwanan ng suspek ang kanyang motorsiklo at mabilis itong tumakbo.

Duguan umano ang suspek na posibleng sanhi pa ng aksidente at may sukbit na baril.

Dati na umanong sumuko sa Oplan Tokhang ang suspek pero bumalik sa iligal na gawain matapos ang panunungkulan ni da­ting Pangulong Rodrigo Duterte.

Show comments