COTABATO CITY, Philippines - Isa pang kasapi ng New People’s Army (NPA) na bihasa sa paggawa ng mga improvised explosive devices ang sumuko sa militar sa probinsya ng Bukidnon nitong Martes, pangatlo sa loob lang ng anim na araw.
Kinumpirma nitong Biyernes ni Major Gen. Allan Hambala, commander ng 10th Infantry Division, ang pagsuko ng katutubong si Tani Banayao Mantawil sa mga opisyal ng 89th Infantry Battalion, pinamumunuan ni Lt. Col. Antonio Bulao, sa Barangay Panganan sa Kitaotao, Bukidnon kung saan nanumpa siya ng katapatan sa pamahalaan sa presensya ng mga local executives at mga kinatawan ng mga etnikong grupo sa naturang bayan.
Sa salaysay ni Mantawil sa mga reporters, pumayag siyang magbalik loob sa pamahalaan at magbagong buhay sa pakiusap nina Bulao at Brig. Gen. Marion Angcao ng 1003rd Infantry Brigade.
Unang isinuko ni Mantawil and kanyang M16 rifle at isang .30 caliber Carbine rifle bago siya lumagda ng kasulatang nagsasaad ng kanyang pagbabalik loob sa pamahalaan at pangakong hihikayatin ang konti na lang na natitirang mga kasamahan sa Bukidnon na sumuko na sa 89th IB.
Bago ang pagsuko ni Mantawil, dalawang NPA na umamin na nangingikil ng protection money sa mga negosyante sa Bukidnon, sina Ronie Aryan Bagubay at Loloy Abaro Puklawan, ang unang sumuko sa 89th IB nito lang nakalipas na linggo.