COTABATO CITY, Philippines — Magkatuwang na sinunog nitong Miyerkules ng mga opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at pulisya ang abot sa P55 milyon na halaga ng shabu na nakumpiska sa iba’t ibang mga probinsya at lungsod sa Bangsamoro region nitong nakalipas na mga buwan.
Pinangunahan nila Gil Cesario Castro, director ng PDEA-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), ng mga opisyal ng Bangsamoro regional police, mga state prosecutors at mga local executives ang isinagawang pagsira sa naturang mga illegal na droga gamit ang renewable power-generating incinerator ng Lamsan Incorporated, isang cornstarch producer-exporter company sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Ayon kay Castro, nasamsam ng kanilang mga operatiba at mga kasapi ng iba’t ibang units ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) ang naturang mga shabu at marijuana sa mga serye ng joint PDEA-police anti-narcotics operations sa rehiyon mula Enero-Oktubre ng taong kasalukuyan.
Pinasalamatan ni Castro ang mga city, municipal at provincial officials sa BARMM, sa kanilang masigasig na suporta sa mga operasyon ng PDEA-BARMM sa mga lugar na sakop nila.