3 konsehal sa Dagupan City, sinuspinde sa panggugulo sa sesyon

BAGUIO CITY, Philippines — Tatlong konsehal ng Dagupan City ang pinatawan ng Malacañang ng 60-araw na suspensyon dahil sa reklamo ng apat na kasamahan sa Konseho dahil sa ipinakitang “unruly behavior” sa kasagsagan ng mainitang debate sa sesyon ng Sangguniang Panlungsod noong Oktubre, nakalipas na taon.

Sa kautusan na ini­s­yu ni Deputy Executive Secretary for Legal Affairs (DESLA), Atty. Anna Liza G. Logan, isinailalim sa 60-days preventive suspension sina Dagupan City Councilors Redford Christian P. Erfe-Mejia; Alipio Serafin D. Fernandez at Victoria Czarina C. Lim-Acosta na epektibo nitong Nobyembre 5, 2024.

Base sa kautusan, nakitaan ng “merito” ang reklamong inihain nina Dagupan City Vice-Mayor Dean Bryan Kua; Councilors Jeslito Seen, Dennis Canto, at Joshua F. Bugayong laban sa tatlong nabanggit na konsehal sa ilalim ng Local Government Code and Administrative Order 23 o “the rules on the investigation of administrative actions against officials of local governments”.

Ang 60-araw na suspension sa tatlong konsehal ay nag-ugat sa mga reklamong “Disturbance of Proceeding”, “Grave Coercion”, at “Grave Oral Defamation” na inihain ng apat na opisyal ng Dagupan City. 

Nitong Pebrero, kina­suhan din ng Dagupan City Prosecutor’s Office ang mga nabanggit na opisyales matapos na lumabas ang isang vi­deo na nagpapakita ng “disruptive behavior” at panggugulo ng tatlong konsehal sa City Council session. Tinangka umano ni Erfe-Mejia na kontrolin ang sesyon nang mang-agaw ng mikropono, nagsisigaw at nagsalita ng nakasisira laban sa mga complainant at hiniling pang i-lock ang session hall upang walang makalabas, noong Oktubre 10, 2023.

Kaugnay nito, sinabi ni Dagupan City Mayor Belen Fernandez na “welcome” sa kanya ang inilabas na ruling ng Malacañang at sinabing maipagpatuloy na rin sa wakas ang kanilang mga proyekto sa siyudad na matagal nang naantala.

“These urgent projects will soon benefit all our Batang Dagupeno students in the 20 barangays and different schools of Dagupan,” ani Fernandez.

Show comments