Atty. Garbin, totoong waging mayor sa May 2023 election, ipoproklama
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Makalipas ang mahigit dalawang taong paghihintay matapos magsampa ng motion for intervention sa Commission on Elections (Comelec), itinakda na ang proklamasyon kay Ako Bicol executive director Atty. Alfredo Garbin Jr. bilang tunay na nanalo sa Mayo 9, 2023 mayoralty election sa Legazpi City.
Ito ay kasunod ng inilabas na desisyon ng Korte Suprema na pagbawi sa status qou ante order sa pagpapatupad ng naging desisyon ng Comelec En banc na nagdidiskuwalipika sa kandidatura ni Mayor Carmen Geraldine Rosal dahil sa isinampang kaso ng isang Joseph San Juan Almoguila sa paglabag sa Omnibus Election Code makaraang mamigay ng P2,000 na ayuda sa mga senior citizen at tricycle drivers, ilang araw bago ang halalan.
Ang naturang alkalde ay kasalukuyang nasa 1-taong preventive suspension matapos suspendihin naman ng Ombudsman noong nakalipas na Setyembre dahil sa kasong grave misconduct, oppression, at conduct prejudicial to the interest of the service na isinampa ng lokal na brodkaster na si Adrian Loterte noong 2022. Ito ay matapos na magkaroon sila ng MOA ng na-dismissed na si Gov. Noel Rosal na payagang magsilbi pang provincial engineer ng Albay si City Engineer Clemente Ibo at pinaupo pa bilang chairman ng bids and awards committe ng lalawigan.
Nauna sa alkalde ay diniskwalipika noong Disyembre 1, 2022 bilang nanalong gobernador ang asawa nitong si Noel Rosal dahil sa parehong paglabag at ang kaalyado nilang si dating City Councilor Alfonso Bariso.
Sa desisyon na inilabas ni Comelec chairman Atty. George Erwin Garcia, inatasan nito ang binuong special city board of canvassers (SCBOC) ng Legazpi City na sina Atty.Genesis Gatdula, bilang chairperson; Atty. John Rex Laudiangco, bilang vice-chairperson; Director Ester Villaflor-Roxas, bilang member; at tatlong iba pa bilang supporting staff upang mag-convene at iproklama bilang nanalong alkalde ng lunsod ang 2nd placer na si Atty.Garbin. Si Garbin ay nakakuha ng botong 57,137 habang lamang lang sa kanya ng 550-votes ang diniskwalipika na si Rosal sa botong 57,687.
- Latest