MANILA, Philippines — Nasilat ng tropa ng militar ang tangkang pangha-harass ng mga teroristang New People’s Army (NPA) sa isang komunidad matapos makasagupa ang nagpapatrolyang tropa ng mga sundalo sa liblib na lugar ng Villa Pagasa sa Bansud, Oriental Mindoro nitong Martes.
Ayon kay Army’s 2nd Infantry Division (ID) Spokesman Lt. Col. Jeffrex Molina, dakong alas-5:10 ng hapon nang makasagupa ng Army’s 76th Infantry Battalion (IB) ang grupo ng mga ekstorsyonistang NPA rebels na nag-oopereyt sa lugar.
Ang nasabing mga rebelde, ayon kay Molina ay kinasisindakan ng mga tao sa lugar dahil sa kanilang pangongotong ng salapi, pagkain. Maging ang kanilang mga alagang hayop tulad ng mga baka, manok, kambing at iba pa ay kinakatay ng mga bandido.
Sa nasabing pagpapanagpo, agad nagkaroon ng putukan sa pagitan ng magkalabang puwersa na tumagal ng 20 minuto bago nagpulasan ng takbo ang mga terorista na naghiwa-hiwalay ng direksiyon patungo sa kagubatan.
Narekober sa encounter site ang isang M16 rifle, upper receiver ng M16 rifle, tatlong hand grenade, detonator switch, tatlong magazine para sa M16 rifles at 30 rounds ng mga bala.
Pinaniniwalaang nalagasan ng puwersa ang grupo ng NPA base sa mga patak ng dugo na nakita ng mga sundalo sa lugar na dinaanan ng mga ito sa pagtakas.
“Our troops was able to disrupt the plans of the terrorist NPA to sow fear in the community,” pahayag ni Major Gen. Cerilo Balaoro Jr., commanding general ng Army’s 2nd ID