ATIMONAN, Quezon, Philippines — Patay ang isang 8-anyos na batang lalaki nang makuryente habang papauwi na sa kanilang bahay matapos na maglaro sa ilalim ng tulay sa Brgy. Caridad Ibaba, sa bayang ito kamakalawa ng hapon.
Ayon sa ulat ng Atimonan Police, dakong ala- 1:30 ng hapon ay paakyat ang biktimang si “Julius” mula sa ilalim ng tulay at nang humawak siya sa nakatumbang poste ng ilaw ay bigla na lamang nangisay hanggang sa mapahandusay ito.
Mabilis na humingi ng saklolo ang ibang kalaro ng biktima at isinugod ito ng mga responder sa ospital subalit idineklara na itong dead on arrival ng doktor.
Nabatid na may dumadaloy pa palang kuryente sa nakatumbang poste ng street light kung kaya’t nagpapatuloy ang imbestigasyon sa pangyayari at inaalam kung sino ang may kapabayaan at dapat managot sa insidente ayon sa pulisya.