CAVITE, Philippines — Patay matapos sumalpok sa isang Isuzu Vlvan ang motorsiklo na minamaneho ng staff ni Congressman Jolo Revilla kung saan papauwi na sana galing sa isang activity ng kongresista kamakalawa ng gabi sa kahabaan ng Brgy. San Rafael IV, Noveleta, dito.
Hindi na naisalba pa ang buhay ng biktima na kinilalang si Ret Barotilla Arevalo, l, mas kilala sa tawag na “Rey Areglado”, 34-anyos at residente ng Camia St. Green Valley, Molino II Bacoor, Cavite.
Sa ulat ng pulisya, alas-8:15 ng gabi habang binabagtas ng biktima ang kahabaan ng Manila-Cavite Road, Brgy. San Rafael IV Noveleta at papauwi na sana galing sa isang aktibidad ng nasabing mambabatas sa Cavite City nang maganap ang road mishap.
Sakay ang biktima ng kaniyang Mio Gear BJN4, na kulay matte dark aray, may plate number D122FC at bumabagtas sa nasabing lugar nang sumalpok sa kasalubong na kulay puting Isuzu Rrefvan (NFL3644) at minamaneho ng suspek na si Edwin Tabano Janea, 48, residente ng Lapaz Homes, Brgy. Cabezas, Trece Martires City, Cavite.
Sa tindi ng pagkakasalpok ay tumilapon ang biktima at napuruhan ang ulo bukod pa sa mga pinsalang tinamo ng kanyang katawan na agad nitong ikinamatay.
Agad na nagpaabot ng pakikiramay si Congressman Revilla at sa kaniyang post sa Facebook account ay lubos ang inihayag ang labis na kalungkutan nito sa nangyari sa kanyang tauhan.