Mag-asawa natagpuang patay sa loob ng kotse!
‘Crime of passion’ sinisilip ng PNP
MANILA, Philippines — Natagpuang kapwa patay sa loob ng kotse ang umano’y mag-asawa na kapwa may tama ng bala ng baril sa Brgy. Panilungan, Buruanga, Aklan.
Alas-5 ng hapon nitong Nobyembre 4, nang madiskubre ang bangkay ng mga biktima na kapwa empleyado ng munisipyo sa loob ng Toyota Wigo.
Nauna rito, napansin ng mga residente na buong araw na nakaparada sa tabi ng kalsada ang kotse, malapit sa isang paaralan at nang kanilang tingnan ay bumungad ang duguang lalaki at babae sa loob.
Kinilala ang mga biktima na sina alyas “Rychan”, 48, at “Leda Cenon”, 45, kapwa, residente ng Barangay Santander.
Lumalabas na isang opisyal ng lokal na pamahalaan ang ginang habang ang mister ay miyembro ng auxiliary police at sinasabing may isang naulilang anak.
Nakitaan ng mga tama ng bala ng baril sa katawan ang dalawa at narekober ang isang 28 revolver sa loob ng sasakyan.
Sinisilip naman ng pulisya ang anggulong “crime of passion” sa nasabing insidente.
Inaalam din ng awtoridad na bago ang pagkakatagpo ng mga bangkay, nakita umanong nagtatalo ang mag-asawa.
- Latest