Tinaguriang bayani sa Quezon province na si Hermano Puli, ginunita ang kamatayan

Pinangunahan nina Quezon Gov. Helen Tan, Col. John Jemar D. Aseron, PA (MNSA) na SolCom acting deputy commander ng AFP, at Quezon Police Provincial Office director Col. Ruben B. Lacuesta ang pag-aalay ng bulaklak sa rebulto ni Hermano Puli bilang pagkilala sa itinuturing na bayani sa Quezon, nitong Lunes.

MANILA, Philippines — Ginunita ang ika-183 anibersaryo ng kamatayan ng itinuturing na bayani sa lalawigan ng Quezon na si Apolinario dela Cruz o mas kilala bilang “Hermano Puli” sa Isabang, Tayabas City, kamakalawa.

Sa kabila ng maulang panahon, pinangunahan ni Quezon Governor Doktora Helen Tan ang seremonya sa paanan ng rebulto ni Hermano Puli nitong Lunes, kasama sina Tayabas City Mayor Lovely Reynoso-Pontioso, mga Punong Tanggapan sa pangunguna ni P.A. Manny Butardo, mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan, Southern Command ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) para sa pag-alala sa kabayanihan, kontribusyon at sakripisyo ni Hermano Puli.

“God is really good, tayong lahat ang tumatamasa ng iniwang kapayapaan ni Hermano Puli, kung kaya’t bilang Que­zonian marapat na sama-sama nating pagyamanin at pagyabungin ang yaman na mayroon ang lalawigan ng Quezon,” ayon kay Gov Tan.

Hiling naman ni Gov. Tan na maisabatas na ng Kongreso ang ika-4 ng Nobyembre bilang opisyal na “holiday” sa lalawigan ng Quezon para sa paggunita sa kamatayan ni Hermano Puli na itinuturing nilang bayani.

Sa naturang seremonya, kinilala ng gobernadora ang mahalagang ambag ni Hermano Puli sa mga taga-Quezon, partikular sa kanyang pakikibaka para sa mga karapatan at kapakanan ng mga mamamayan.

Sinabi ni Tan na sa panahon ngayon, dapat pahalagahan ang mga sakripisyo ng mga bayani na nagbigay-daan para sa ating kasarinlan at nanawagan din sa mga kawani ng gobyerno na pag-ibayuhin ang kanilang serbisyo sa publiko bilang pagkilala sa mga sakripisyo ng mga nauna sa atin.

Ayon pa sa gobernadora, ang mga kawani ng gobyerno ay may mahalagang papel sa pagpapaunlad ng lipunan na kailangan magpatuloy sa pagtutok sa mga programang makikinabang ang mamamayan, gaya ng mga proyekto sa edukasyon, kalusugan, at imprastraktura. Mahalaga rin aniya na maging tapat at responsable sila sa kanilang mga tungkulin upang mapanatili ang tiwala ng publiko.

Show comments