CAVITE, Philippines — Isang preso sa Cavite Provincial Jail na may mga kasong kriminal ang matagumpay na nakapuga habang nasa kasarapan ng tulog ang kapwa preso at bantay, kamakalawa sa Brgy. Lapidario, Trece Martires City.
Tinutugis na ng pulisya ang suspek na kinilala sa alyas “Jayson”, nasa hustong gulang at may mga kasong paglabag sa Sec 5 at 1, Article II ng RA 9165 at carnapping case sa lalawigan ng Laguna.
Batay sa ulat ng pulisya, ala-1:44 ng madaling araw nang isagawa ng nasabing bilanggo ang pagtakas.
Ayon kay PG II Unica Nica Diaz, team supervisor ng Cavite Provincial Jail, naisagawa ni alyas Jayson ang pagtakas sa pamamagitan ng pagtalon nito sa isolation tower patungo sa escorting area at gumapang sa perimeter fence ng jail facility hanggang sa makalabas at mabilis na tumakbo palayo.
Lumalabas na itinaon ng nasabing inmate na tulog ang lahat ng mga kasamahang bilanggo at maging ang mga bantay, bago isinagawa ang pagtakas.
May posibilidad na plinano ng pugante ang ginawang pagtakas at pinag-aralan nito ang mga pasikut-sikot na puwede nitong daanan palabas sa loob ng jail facility.