MANILA, Philippines — Arestado ang 23-katao matapos na umano’y pasukin at tangkaing i-‘takeover’ ang isang kilala at pribadong pasyalan na nagsisilbi ring tourist destination sa Antipolo City, Rizal kahapon.
Nakapiit na ang mga suspek na nagpakilalang mga security guard at mahaharap sa mga reklamong Trespassing, Usurpation of Real Property, Coercion, at paglabag sa Republic Act 10591 o The Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Sa ulat ng Antipolo City police, pinasok ng mga suspek na ang ilan ay may mga bitbit pang armas dakong alas-5:00 ng hapon noong Huwebes ang Cloud 9 Sport & Leisure Club Inc. na matatagpuan sa Sumulong Highway sa Brgy. Sta. Cruz, Antipolo City at tinangka umanong “i-takeover’.
Ang grupo ay dumating sa nasabing lugar lulan ng puting Hi-ace (NAN-6826), pulang Toyota Hilux pick-up at Toyota Land Cruiser at agad pumasok sa loob ng property saka inokupa ang isa sa mga chapel kung saan nila inilagay ang kanilang mga gamit at nagpalit ng uniporme.
Nataranta naman ang mga empleyado sa lugar at tinawagan ang kanilang amo at ipinabatid ang kaganapan.
Kaagad namang nagtungo roon ang kilalang negosyanteng doktor na si Potenciano Malvar, 83-anyos, isa umano sa mga may-ari ng lugar at nang hanapan ng mga dokumento ang mga suspek ay wala silang naiprisinta kundi isang “deployment order” lang.
Nang makarating sa kaalaman ng pulisya ang komosyon, kaagad silang rumesponde sa lugar.
Ayon kay Antipolo City Police chief, PLt. Col. Ryan Manongdo, humingi ng tulong sa kanilang himpilan ang complainant na si Malvar.
Lumalabas na isang indibiduwal na gustong mag-angkin umano sa naturang property ang kumontrata sa naturang mga suspek na sinasabing mga security guard ng Northern Eyes Security Agency Corp..
“May nag-aako na sa kanya ‘yong property at ‘yon ang nakipag-kontrata sa agency noong 23 personnel. Obviously, there are lapses doon sa pag-take over. Dapat tinanong nila, ‘yong kakontrata ba nila, ‘yon ba talaga ‘yong rightful owner?” aniya.
Nang makumpirma ng mga pulis na si Malvar nga ang may-ari ng property ay inatasan nila ang mga suspek na umalis sa lugar ngunit hindi tumalima, kaya sila inaresto at dinisarmahan ng mga pulis.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang walong iba’t ibang uri ng armas.
Depensa ng security agency, napag-utusan lang sila ng isang realty company.