COTABATO CITY , Philippines — Agad na namatay ang isang 22-anyos na babae nang makuryente habang nangunguha ng mangga sa isang mataas na puno nito sa Barangay Libertad sa Butuan City nitong tanghali ng Sabado.
Sa ulat ng Butuan City Police Office nitong Linggo, sinikap pang isalba ng mga emergency responders na mga pulis at mga kasapi ng Bureau of Fire Protection si Mary Joy Antibagos, ngunit sila ay nabigo.
Ayon sa mga imbestigador, inakyat ni Antibagos ang isang mataas na puno ng mangga sa isang bakuran sa Palacat Village sa Barangay Libertad upang manguha ng bunga nito nang masagi ng kanyang gamit na pangsungkit na stainless steel rod na may maliit na kalawit sa dulo ang isang high tension power line sa ibabaw nito.
Sumabit sa malalaking sanga ng puno ng mangga si Antibagos na maagap namang naibaba ng mga rescuers na mga pulis at BFP personnel at mga kawani ng Butuan City Disaster Risk Reduction and Management Office na nagtulungan din sa pagdala ng kanyang mga labi sa isang punerarya.