MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines - Patay ang isang 34-anyos na lalaking magsasaka matapos pagbabarilin ng senior citizen sa bukid sa bayan ng San Ildefonso.
Kinilala ang biktima na si Mario Malipaunon, magsasaka habang ang suspek ay isang 60-anyos na isa ring magsasaka; kapwa residente ng Sitio Islang Puti, Brgy. Tukod II, San Rafael.
Sa report ng pulisya, nangyari ang insidente bandang 9:30 ng umaga nitong Oktubre 31 sa Purok 4, Brgy. Casalat, San Ildefonso.
Nang makarating sa mga awtoridad ang nangyari ay agad silang nagsagawa ng hot pursuit operation kaya nahuli ang suspek.
Narekober ng mga awtoridad ang dalawang 9mm fired cartridge at isang bolo sa lugar.
Patuloy ang follow up operation ng pulisya para makita ang ginamit na baril ng suspek na pinaniniwalaang itinapon lamang sa kalapit na lugar.