Habang nagla-landing..PAF plane natanggalan ng gulong, sumadsad sa runway; airport isinara!

Bandang alas-3 ng hapon nang mangyari ang insidente habang nagsasagawa ng humanitarian assistance and disaster relief mission ang C295 aircraft.
Google Map

MANILA, Philippines — Pansamantalang isinara ang Basco Airport sa Batanes para sa mga fixed-wing aircraft hanggang ngayong Nobyembre 3 kasunod ng pagsadsad ng Philippine Air Force (PAF) plane nang matanggalan ng gulong habang nagla-landing sa runway ng paliparan, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Sabado.

Kinumpirma ng Spokesperson nitong si Col. Ma Consuelo Castillo kamakalawa ng gabi ang pagsadsad ng PAF C295 transport aircraft na may kargang family food packs na ipamamahagi sana ng Office of Civil Defense (OCD) para sa mga naapektuhan ng bagyong Leon sa lalawigan.

Bandang alas-3 ng hapon nang mangyari ang insidente habang nagsasagawa ng humanitarian assistance and disaster relief mission ang C295 aircraft.

“Investigation is ongoing and nothing is conclusive as to the cause of the incident. Thankfully, all pilots and crew are safe,” ani Castillo.

Ayon kay Castillo, natanggal ang nose landing gear tire ng eroplano habang nagmamaniobra na upang mag-landing sa Basco airport bunsod upang bumagsak ito at mabuti na lamang na mababa na ang lipad ng nasabing eroplano nang mangyari ang insidente.

“The aircraft, which departed Manila earlier, that day completed its flight to Basco with no injuries reported among the pilots or crew. The aircraft is currently secured on the active runway as the situation is assessed,” pahayag naman ni Col. Francel Margareth Padilla, spokesperson ng AFP.

Sa kabila ng insidente, sinabi ni Padilla na magpapatuloy ang isinasagawang rescue at relief operations ng PAF sa Batanes.

Sinabi naman ni Civil Aviation Autho­rity of the Philippines (CAAP) cluster 1 ma­nager Ronald Estabillo, ang nasirang aircraft ay nananatiling nasa runway kahapon, kung kaya ang mga helicopters lang ang puwedeng lumapag sa airport.

Ani Estabillo, ang equipment o kagamitan na gagamitin upang maialis ang PAF plane mula sa runway ay inasahan ang pagdating nitong Sabado at kapag naisaayos na ay magbabalik sa normal ang operasyon ng nasabing paliparan.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang CAAP at Philippine National Police-Aviation Security Group (Avsegroup) sa insidente.

Show comments