Rebelde na napatay, natukoy na NPA high ranking official

MANILA, Philippines — Natukoy na ang pagkakakilanlan ng isang high ranking na opisyal ng New People’s Army  na napatay sa engkuwentro noong bisperas ng UNDAs sa Brgy. Manica, Libacao, Aklan, ayon sa opisyal nitong Sabado.

Kinilala ni Major J-Jay Javines, Spokesman ng Army’s 3rd Infantry Division (ID) ang napatay na lider ng NPA na si Alvin Panoy alyas “Ka Jake/Vinmar”, 30, ng Lemery, Iloilo, at dating Finance at Logistic Officer ng Squad II, Igabon Platoon, Central Front Komiteng Rehiyon Panay.

Sinabi ni Javines na ang labi ni alyas Ka Jake ay dinala na sa Navejas Funeral Home sa Libacao, Aklan at dadalhin sa bayan nito sa Lemery, Iloilo matapos namang kumpirmahin ng pamilya nito ang kaniyang pagkakakilanlan.

Bandang alas-6:28 ng gabi noong Oktubre 31 nang makasagupa ng mga sundalo na tu­magal ng 10 minuto ang grupo ng mga rebelde na nangongotong sa mga residente sa lugar na ikinasawi ng isa sa mga kalaban na natukoy na si Ka Jake ng sumunod na araw habang isa namang sundalo ang nasugatan.

Narekober sa encounter site ang isang M16 rifle, tatlong magazine, isang bandolier, isang backpack at mga personal na kagamitan.

Show comments