MANILA, Philippines — Arestado ang isang umano’y lasing at hubo’t hubad na Korean national matapos na banggain ang dalawang security guard saka sinalpok ang isang gasolinahan sa Clark Freeport na nagresulta ng sunog, nitong Huwebes ng madaling araw.
Sa ulat ni Lt. Col. Efren David, hepe ng Mabalacat City Police, sinampahan na ng kasong attempted homicide sa City Prosecutor’s Office ang suspek na kinilalang si Sunbin Yim alyas “Ben”, 41-anyos, Korean national.
Ang mga security guards ng Clark Freeport na sina Jay Romel Rivera at Vinson Corpuz ang naghain ng kaso laban kay Yim.
Sa ulat, binangga umano ni Yim ang dalawang motorcycle-riding guards na humahabol sa kanya upang makaiwas sa pag-aresto at sinalpok ang ilang sasakyan sa may Hann Casino.
Sinabi ni David na kinasuhan din si Yim ng malicious mischief at grave scandal matapos na manira ng mga ari-arian at maispatang hubo’t hubad sa loob ng
freeport.
Ayon naman kay Lina Sarmiento, Vice President for Security Services Group ng Clark Development Corporation (CDC), isang fireman ang nakakita na hubo’t hubad ang dayuhan na agad niyang inireport sa Freeport command center kaya rumesponde ang mga security personnel. Gayunman, habang papalapit ang mga guwardya, ay biglang tumakas ang Korean at binangga nito ang dalawang humahabol na sekyu at ilang sasakyan, saka nito huling sinalpok ang gasoline station sa loob ng Freeport zone sanhi upang siya ay makorner.
Dahil dito, biglang nagliyab ang gasolinahan at naapula naman ang sunog subalit nagtamo ng paso sa balat ang Koreano na agad dinala sa ospital para malapatan ng lunas. Siya ay ikukulong sa Mabalacat City Police Station kapag nakalabas ng ospital.
Nahaharap din ang dayuhan sa kasong assault in a person of authority, damage to property, at attempting to evade arrest.