MANILA, Philippines — Patay ang isang senior citizen at dalawang batang apo nang ma-trap sa nasusunog nilang dalawang palapag na tahanan sa Teresa, Rizal kamakalawa.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Narciso Santos, 71-anyos; at mga apong sina Skyler Bolante, 10-anyos at Amber Santos, 7-anyos.
Lumilitaw sa ulat ng Teresa Municipal Police na dakong alas-11:53 ng umaga nang magsimulang sumiklab ang apoy sa bahay ng mga biktima sa Carissa Homes East 2, Brgy. San Gabriel, bayan ng Teresa.
Ayon kay Major Edzel Macasero, hepe ng Teresa Police Station, natagpuan ng mga rumespondeng fire marshals ang mga biktima na kapwa patay na matapos maideklarang under control ang sunog.
Sa ulat, alas-11:53 ng umaga habang mahimbing na natutulog ang mga biktima nang hindi nila namalayan ang pagliyab ng kanilang kabahayan.
Hindi na nagawang makalabas ang mga biktima na nasa ikalawang palapag ng bahay dahil sa bilis ng pagkalat ng apoy sa buong kabahayan na tumupok sa ‘di pa batid na halaga ng mga ari-arian.
Hinihinala ng mga imbestigador ng Bureau of Fire Protection at Teresa Police na maaaring nasawi sa “suffocation” ang mga biktima dahil sa matinding usok sa loob ng kanilang silid matapos na ma-trap.
Masusi pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pinagmulan ng sunog na naapula dakong alas-12:32 ng tanghali, nitong Biyernes.
Sinisiyasat ng mga awtoridad kung faulty electric wire ang sanhi ng sunog, at maging ang kabuuang danyos o pinsala nito.