Kababalaghan sa Undas…
LIBON, Albay, Philippines — Dahil sa ilang gabing pagpapakita ng isang lalaki sa panaginip ng isang dalagita, maraming kalansay ng tao ang nadiskubre ng mga pulis sa puno ng santol sa liblib na lugar ng Sitio Taysan sa Brgy. Molosbolos, ng bayang ito, na maituturing na isang kababalaghan mula sa isang yumao sa paggunita ng Araw ng mga Patay o Undas.
Halos hindi mapaniwalaan ang kababalaghang nangyari pero ang ilang gabing pagpapakita ng lalaki na pinaniniwalaang nasawi sa hindi pa malamang dahilan sa paganigip ng 15-anyos na si “Alma”, residente ng naturang lugar ay naging daan para matagpuan ang mga kalansay na nakabaon ng pinaniniwalaang tao sa ilalim ng puno ng santol, kamakalawa ng tanghali.
Sa ulat, dakong alas-11:45 ng umaga ay nagtungo si “Pedro”, 52-anyos, magsasaka kasama ang kanyang anak na si Alma sa Libon Police Station at nagkuwento hinggil sa natagpuang mga kalansay.
Ayon sa tatay, tatlong magkasunod na gabi na biglang napupukaw sa pagtulog ang anak dahil sa may lalaki umanong nagpapakita sa panaginip nito na humihingi ng tulong sa kanya at nakikiusap na puntahan ang puno sa isang liblib na lugar ng kanilang barangay.
Nang puntahan kinaumagahan, nakita nila ang mga kalansay sa ilalim ng santol.
Agad kumilos ang mga kasapi ng Libon Municipal Police Station kasama ang PNP-SOCO at pinuntahan ang itinuturong lugar. Sa pagitan ng mga ugat ng puno ng santol ay tumambad sa kanila ang 11 na buto ng tao na nababalot ng kurtina at sa kabila ay may walong buto naman na nakasilid sa sako ng palay.
Iprinoseso ng SOCO ang lugar at kumuha ng ilang piraso upang isailalim sa DNA testing para sa pagkakakilanlan ng mga kalansay at malaman ang sanhi ng kanilang pagkamatay.
Ang Brgy. Molosbolos ay balwarte mismo ng kilabot na Concepcion Criminal Gang.
Ilang buwan na ang nakalilipas, ilang kalansay na ang natagpuan ng mga pulis at ahente ng NBI sa tinatawag na “killing field” ng grupo na mga naging biktima ng pagpapahirap at brutal na pagpatay ng hinihinalang mga sindikato.