MANILA, Philippines — Tinutugis na ngayon ng mga awtoridad ang dalawang person deprived of liberty (PDL) o preso na tumakas kamakalawa sa Leyte Sub-Provincial Jail sa Barangay Veloso, Calubian, Leyte.
Batay sa ulat ng Leyte Sub-Provincial Jail, nangyari ang pagpuga nina Arnel Halichic, 44, ng Brgy. Cabalquinto, Calubian, at Reggie Pepito, 32, ng Brgy. Suba, Villaba, Leyte bandang alas-3:20 ng hapon nitong Huwebes October 31.
Ayon sa isang jail officer, nakatakas ang mga nabanggit na preso matapos tumalon sa ginagawang pader ng piitan, at agad sumakay sa motorsiklo na umano’y naghihintay sa labas ng pasilidad.
Nagpalabas naman ng manhunt operation at checkpoint ang mga awtoridad, kasabay ng pagsasagawa ng dragnet operations para sa agarang pag-aresto sa mga naka-eskapong PDL.