MANILA, Philippines — Sa gitna na rin ng matinding epekto ng pagbaha dulot ng bagyong Kristine, inirekomenda ni House Committee on Appropriations at AKO Bicol Partylist Rep. Zaldy Co ang pagtatayo ng malalaking water impounding facilities sa Bicol Region para mapigilan ang malawakang pagbaha at solusyunan ang kakulangan sa tubig tuwing El Niño phenomenom o panahon ng tag-init.
Ayon kay Co, ang mga pasilidad na ito’y makakatulong sa patubig sa mga sakahan at makakatugon sa pangangailangan sa tubig ng mga residente.
Sinabi ni Co na ang kailangan sa Bicol Region ay isang six-storey water impounding structure tulad sa Bonifacio Global City na sumasalo ng tubig-ulan.
“Highlighting water management as a long-term solution against flooding, these facilities would also benefit irrigation and serve residential water needs,” anang mambabatas.
Inihayag ni Co na layunin nitong gawing mas madalas na pagtatanim ng palay, na may target na umabot ng hanggang tatlong ani sa isang taon, tulad sa bansang Japan. Nakipag-usap na rin siya sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa planong tunnel system sa kabundukan ng Bicol na magsisilbing “flush system” para i-divert ang sobrang tubig baha papunta sa dagat.
“The stored water can be a valuable resource during summer, providing both irrigation and drinking water. This initiative supports both food security and climate resilience for the region,” ayon pa kay Co.
Samantala, nilinaw ni Co na taliwas sa pahayag ni Senador Joel Villanueva na ang P61-bilyong pondo para sa Bicol Region ay hindi lamang para sa flood control projects kundi maging sa kalsada, gusali ng pamahalaan at eskuwelahan sa 17 distrito sa Bicol Region, anim na probinsya at pitong siyudad.